Malaking pagbabago – mga katagang ngayon ay malugod na sinasambit ng mga nagsulong upang mabilisang maisabatas ang Senate Bill 3416, higit na kilala sa tawag na Technology Transfer Act of 2009. Nilalayon ng SB 3416 na mapabilis ang komersyalisasyon ng resulta ng pananaliksik na gumamit ng pondo ng taumbayan.
Tuwirang sinasabi ng mga mananaliksik na malalaki ang maitutulong ng nasabing panukalang batas sa pagyabong ng pananaliksik sa bansa kundi maging ng larangan ng agham at teknolohiya sa kabuuan. Ang ilan sa pinakamahahalang alitutuntunin ng panukalang batas na ito ay ang ‘Intellectual Property Ownership’, ‘Revenue Sharing’, ‘Establishment of Spin-off Companies’, at ‘Use of Revenue for Commercialization of IPs’.
Sa probisyon ng IP ownership, ipinaliwanag ni Dir. Bernie Justimbaste ng DOST-Planning and Evaluation Service kung bakit ang IP mula sa mga pagsasaliksik na pinondohan ng gobyerno ay madalas hindi nagiging pag-aari ng mananaliksik. Dagdag din nya na walang klarong alitutuntinin ang mga research and development institutes sa bagay na ito.
Ayon kay Dr. Albert Aquino ng PCARRD-DOST at tagapangulo ng Tech-Transfer Technical Working Committee na ang batas na ito ay magbibigay daan upang magkaroon ng maayos na pamamaraan upang ang mga pananaliksik sa mga laboratoryo na pinondohan ng gobyerno ay mabilis na makarating sa merkado. Sinabi rin niya na ito ay higit na makakatulong sa mga sektor ng agrikultura at pagkain, kalusugan, industriya, pangisdaan, at iba pa dahil sa potensyal nitong magtulak para sa pag-unlad hindi lamang ng indibwal na mananaliksik o ng sektor na kanyang pinagmulan kundi ng buong bansa.
At noong unang araw ng 2009, naipasa ang SB 3416 pagkatapos ng ‘third reading’. Sa kasalukuyan, ito ay naghihintay na lamang na mapirmahan ng Presidente ng Senado at Speaker ng Mababang Kapulungan ng Kongreso bago pormal na pirmahan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo upang maging isa ng batas.
Ang panukalang batas na ito ay isinusulong sa Mababang Kapulungan ni Rep. Joseph Emilio Abaya at ni Senator Edgardo Angara sa Mataas na Kapulungan.
Sa malapit na hinaharap, inaasahang magsisimula ng bumuo ng panibagong komite para sa pagbabalangkas ng ‘Implementing Rules and Regulations’ ng nasabing batas upang tuluyan na itong maipatupad.
Source:RapiDOST January 2010, Aristotle P. Carandang S&T Media Service