Sa pagpasok ng Bagong Taon, marami sa atin ang nag-iisip ng dagdag na mapagkakakitaan upang makatulong sa pangaraw-araw na gastusin ng bawat pamilya.
Maaaring ang iba ay mayroong simpleng ideya sa pagnenegosyo, kaalaman sa pagluluto ng isang kakanin, o paggawa ng mga aksesorya sa pananamit at iba pa. Subalit ang mga ito ay hindi maisakatuparan dahil sa kulang ang kaalamang teknikal upang pasukin ang lokal na merkado at ang pag-ayon sa kasalukuyang panuntunan sa produksyon.
Lingid sa kaalaman ng marami, ang Kagawaran ng Agham at Teknolohiya (DOST) ay nagbibigay tulong sa mga maliliit nating negosyante o sa mga negosyong kabilang sa tinatawag na micro, small and medium enterprises o MSMEs upang pataasin ang antas ng mga produkto at ang sistema ng produksyon.
Ayon kay DOST Secretary Estrella F. Alabastro, batid ng pamahalaan ang mga kailangang tulong ng mga MSMEs kung saan binubuo nito ang 99% ng mga negosyong lokal sa bansa. Dahil dito, iniutos ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na paigtingin ang suporta ng pamahalaan sa sektor na ito.
Sa pamamagitan ng programang Small Enterprise Technology Upgrading Program o SET-UP ng DOST na naglalayung ibahagi nito ang kaalamang teknikal sa mga priority sectors tulad ng Food Processing, Furniture, Gifts, Housewares at Decors, Marine at Aquatic Resource, Horticulture at Agriculture, at Metals at Engineering upang palakasin ang pagnenegosyo sa bansa.
Iba’t ibang tulong teknikal ang ibinabahagi ng SET-UP sa mga MSMEs mula sa Training, Publication, Consultancy Services hanggang sa Packaging at Labelling at Innovation System Support (ISS).
Marami nang MSMEs sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang nakatanggap at umunlad ng dahil sa tulong teknikal ng SET-UP. Binanggit ni Secretary Alabastro sa kanyang paglilibot sa mga SET-UP beneficiaries sa mga rehiyon noong isang taon, “This is why I love visiting our SET-UP beneficiaries, it is seeing how their lives have been uplifted in recent years through the intervention.”
Ang programang SET-UP ay patuloy na tumatanggap ng mga rehistradong negosyo na nangangailangan ng tulong teknikal upang mapagbuti nito ang produksyon at makapasa sa pandaigdigang merkado. At ngayong 2010, inaasahang lubos pang dadami ang makikinabang sa programang SET-UP sa pagsusulong ng DOST.
Source:RapiDOST January 2010 by Joy M. Lazcano S&T Media Service