Ang oyster mushroom o Pleurotus ostreatus ay isa sa mga pinakamabentang uri ng kabute ngayon dahil na rin sa taglay nitong lovastatin na nakapagpapababa ng “cholesterol”.
Ang propesor ng Benguet State University na si Dr. Bernard S. Tad-awan ay isa sa mga taong sumubok at nagtagumpay sa pagpapalago at pag-aalaga ng oyster mushroom sa kanyang bakuran sa Balili, La Trinidad, Benguet. Ngunit ang interes na ito ay hindi medaling naisakatuparan ni Dr. Tad-awan sapagkat kinailangan niya ng masusing pag-aaral upang matamo ang tamang paraan ng pagpapalago nito at iangkop sa klima ng Benguet.
Ayon sa kanya, noong taong 1989, yumabong ang negosyo ng pagpapalago ng isang uri ng kabute, ang “button mushroom” sa kapatagan ng Luzon. Ngunit, ang ganitong negosyo ay tumamlay ng makontamina at dapuan ng sakit ang karamihan ng mga tanim. Ang nasabing suliranin ay nagdulot ng pagbaba ng bilang ng mga ani, maging ang halaga nito sa merkado. Sa pag-aaral na pinangunahan ni Dr. Trisita Quimio ng UP los Baños, napag-alaman na ang Oyster Mushroom ay hindi madaling dapuan ng mga sakit. Angkop rin ito sa klima ng bulubunduking Benguet. Dahil dito, dinala ni Dr. Tad-awan ang Oyster Mushroom sa Benguet at pinag-aralan ang pagpapayabong nito.
Upang mas mapalago ang pinasok na negosyo, siya ay humiling ng “technical assistance” mula sa Small Enterprise Technology Upgrading Program (SET-UP) ng Kagawaran ng Agham at Teknolohiya (DOST). Ang SET-UP ay nagbigay ng mga kagamitan upang mas mapaghusay ang produksyon ng kabote. Ang mga tulong ay kinabibilangan ng 44 unit ng incubation rack at dalawang inoculation chamber, isang grinder/shredder ng mga substrate, plastic sealer at laminar flow.
Ang mga kagamitang ibinahagi ng SET-UP ay lubusang nakapagpabago upang lumaki ang produksyon ng kabute ni Dr. Tad-awan. Mula sa 10,000 fruiting bags o ang pinagtataniman ng mga kabute, ito ay umabot na sa 40,000 kada taon. Tinatayang 600 gramo hanggang isang kilo ng kabote ang maaring anihin sa isang fruiting bag.
Sa kasalukuyan, si Dr. Tad-awan ay umaani ng 10-30 kilo ng kabute sa isang araw habang mayrong 2,400 fruiting bag kada buwan ang maaaring anihin. Ang isang kilo ng inaning kabute ay nagkakahalaga ng Php120.
Samantala, dahil sa positibong pagtanggap sa merkado, dalawang uri pa ng kabute tulad ng Shitake Lentinula edodes at Ganoderma ang ngayo’y inaalagaan at pinalalago sa 450 sq. m. na pasilidad ni Dr. Tan-awan sa Balili, Benguet.
Ipinagmamalaki rin niya na ang kanyang mga produkto ay puro at organiko. Ayon rin sa kanya, kasalukuyang sinusubukan niya ang paggamit ng dinurog na tuyong dahon ng puno sa halip na pinong kusot, apog at darak bilang substrate.
Bagama’t malaki ang pangangailangan sa mga nasabing produkto, ang pagbibenta sa labas ng rehiyon ay masusi pa ring pinag-aaralan ni Dr. Tad-awan.
At dahil sa tagumpay na tinatamo ng plantasyon ng kabute ni Dr. Tad-awan, ito ay maaaring maihalintulad sa taunang selebrasyon ng Panagbenga Festival ng Baguio na ang literal na kahulugan ay ang “panahon ng pamumukadkad”.
Source: RapiDOST February 2010 issue by Joy M. Lazcano, S&T Media Service, STII