Wastong timbang para sa mahabang buhay
Kung ang inyong anak ay lumalaki nang mas mabilis kaysa normal, kailangang bigyang pansin ito kaagad.
Ang tangkad at laki ng katawan ng bata ay may kinalaman kung siya ba ay obese o sobra ang timbang.
Ang bata ay obese kung 20 porsiyento o mahigit pa ang labis na timbang niya sa kanyang ideal body weight para sa kanyang edad at taas.
Kung may family history ng obesity, mas malaki ang tsansa na ang bata ay maging mataba rin, lalo na kung ang nanay at tatay ay parehong matataba.
Ang sobrang dami ng pagkain at kakulangan sa exercise ay malaking dahilan ng obesity sa mga bata. Ang matabang bata ay malamang maging mataba rin sa kanyang pagtanda.
Sa tulong ng inyong doktor, bantayan ang pagtangkad at pagbigat ng bata upang tiyakin na normal ang kanyang paglaki.
Kung kailangan ang mag-diet, planuhin ito kasama ang doktor o ‘registered dietitian’ upang makagawa ng wastong nutritional guide na susundin nang pangmatagalan. Huwag kalimutan na dapat may exercise component rin ito.
Mapanganib sa kalusugan ang obesity. Kapansin-pansin sa mga dalubhasa na ang mga batang obese ay may panganib na magkaroon sa kanilang pagtanda ng matitinding sakit, katulad ng sakit sa puso at ugat, diabetes, arthritis at ilang uri ng cancer.
Upang maiwasan ang obesity at magkaroon ng healthy eating habits hindi lamang ang mga bata kundi pati na ang boung pamilya, bigyang pansin ang mga sumusunod:
Tiyakin na ang inihahandang pagkain ay balance: may kanin, ulam, sapat na gulay at prutas;
Isama ang mga bata kapag nag-exercise.
Limitahan ang computer at tv time ng mga bata at ipagbawal ang pagkain sa tapat ng tv.
Iwasan ang mga malalangis na pagkain at iwasan rin ang kumain sa mga mga kainan na ang menu ay nakakataba.
Tandaan, kung kayo’y nababagabag na ang inyong anak ay mukhang tumataba, huwag pagalitan ang inyong anak upang siya ay mag-dyeta.
Gamitin ang positive reinforcement. Hikayatin ang buong pamilya na mag-exercise at tiyakin na balanse ang pagkain para sa buong pamilya.
Para sa karagdagang impormasyon sa pagkain at nutrisyon, sumulat o tumawag kay: Dr. Mario V. Capanzana, Director, Food and Nutrition Research Institute, Department of Science and Technology, General Santos Avenue, Bicutan, Taguig City; Telephone/Fax Nos.: 837- 2934 or 837-3164; Direct Line: 839-1839; DOST Trunk Line: 837-2071 to 82 local 2296 or 2284; e-mail: mvc@fnri.dost.gov.ph or at mar_v_c@ yahoo.com; FNRI-DOST website: http://www. fnri.dost.gov.ph.
Source:RapiDOST April issue by Divorah V. Aguila S&T Media Service, FNRI