Criselda’s Food Products: Matagumpay na SME
Bago pa man makilala sa pangmalawakang merkado ang Criselda’s Food Products, nagsimula muna ito bilang isang kainan at catering service noong 1986. Gumagawa sila ng sariling tocino, longganisa, beef tapa at burger patty para lamang matugunan ang pangangailangan ng kanilang negosyo.
Sa pamamagitan ng tulong mula sa DOST Region II, nakapagtatag si Engr. Criselda T Alzaga ng sariling pagawaan ng “aramang” o “processed shrimps ” sa Apparri, Cagayan.
Ang tulong pinansyal mula sa DOST ang naging daan upang makapag-upgrade sila ng mga kagamitang pamproduksyon tulad ng chiller, meat grinder sealer at iba pa, bilang tugon sa lumalaki pangangailangan sa pamilihan.
Bukod sa tulong pinansyal mula sa DOST Region II at Small Enterprise Technology Upgrading Program (SETUP), meron ding tulong sa training tulad ng fish/shrimp processing, good manufacturing practices, barcoding, food safety at iba pa.
Ang pagtiyak sa mataas na kalidad ng Criselda’s Food Products ay isang susi ng kanilang tagumpay. Sinisiguro ng kumpanya na sinusunod nila nag mga alintuntunin sa food safety regulations at ang pagkakaroon ng maayos at malinis na paggawa ng mga produkto.
Isa pa sa mga dahilan kung bakit ito nakilala ay ang walang sawa nitong pag-attend sa mga fair at promotional events na pinaniniwalaan nilang makakapagbigay ng oportunidad sa mas malawak na pamilihan. Ilan lamang sa kanilang dinaluhan ay ang International Food Exhibition Philippines o IFEX, SETUP Summit MegaManila at iba pa na sinasagawa upang mapagsama-sama ang mga manininda at mamimili mula malilit na negosyo hanggang sa malaki pati na rin ang mga dayuhang mamimili. Ito ay nagsisilbing daan upang maipakilala ang iba’t ibang pagkain sa pangmalawakang merkado.
Sa kasalukuyan, meron na silang limang bazar sa SM Supermarket at sa ilan pang kilalang supermarket sa bansa tulad ng Hypermarket, Brickstone at Mariton. Ang Criselda’s Food Products ay nag-eexport na rin ng mga produkto sa Dubai at Japan sa tulong ng Philippine Grocers Food Export Inc at International Grocers Corporation.
Ang kumpanyang ito ay patuloy sa paglago at pagpaparami ng mga tauhan dahil sa lumalaking pa-order sa loob at labas ng bansa.
Source:RapiDost June 2010 by Arjay Escondo S&T Media Service, STII