Ang pipino ay isang uri ng pananim na gumagapang at ang bunga nito ay
ginagawang atsara. Masarap itong pampagana.
Ibat-ibang uri:
• Pang-atsara – Chicago Pickling, Ohio MR 17, Wisconsin SMR 15, Pixie
SMR 59
• Pang-ensalada – Table green at Satico Hybrid, Ashely, Marketeer,
Submarine, Polaris
Makatutubong mabuti ang pipino kung itatanim ito pagkatapos ng tag-ulan,
mula Nobyembre hanggang Enero. Tumutubo itong mabuti sa malabo at
buhaghag na lupa na may 500 sentimetrong taas mula sa kapatagan ng
dagat.
Paraan ng pagtatanim
Maaaring itanim sa isahan o dalawahang hanay, subalit lalong mabuti
kung sa dalawahang hanay, pagkat marami ang maitatanim. Itanim ang 3-
4 na binhi sa bawat tundos na 30-40 sentimetrong agwat sa hanay. Sa
sandaling sumibol ang mga punla, bawasan ang punla at mag-iwan
lamang ng 2-3 malulusog na tanim sa bawat tundos. Kung dalawang
hanay, dapat 50 sentimetrong pagitan at tatsulok ang ayos ng mga
tundos.
Maglagay ng balag kapag nagsimula nang gumapang sa lupa ang
pananim upang hindi masira ang mga bunga.
Maglinang samantalang lumalaki ang pananim upang mamatay ang mga
damo, maging mabuhaghag ang lupa at kumalat ang mga ugat. Patubigan
kung kailangan. Huwag labis-labis ang patubig pagkat makasasama ito.
Sa malawakan at pangkomersyal na pagtatanim, maaaring magsalit-tanim
ng mais, okra at iba pa.
Kapag walang compost, gumamit ng abonong komersyal. Sa panahon ng
pagtatanim, maglagay ng 6 na sakong ammonium sulfate, o 126 kilo ng
purong nitroheno, o kaya’y 3 sako ng urea o 135 kilo ng purong nitroheno
sa bawat ektarya. Magbudbod sa gilid ng pananim ng complete fertilizer
sa daming 150-200 kilo sa bawat ektarya.
Ang mga mapaminsalang kulisap sa pipino ay ang kuto ng halaman,
squash bug o uwang. Ang karaniwang sakit nito ay downy mildew at
powdery mildew.
Source:DA