Negosyante, naka-jackpot sa FPRDI lumber dryer
Isang teknolohiya ng Forest Products Research and Development Institute (FPRDI) ang nakapagpabago sa buhay ng isang negosyante sa Tacurong City, Sultan Kudarat. Ayon kay Ramon B. Tan, para siyang nanalo sa lotto nang magkaroon siya ng isang furnace-type lumber dryer o FTLD sa kanyang maliit na sawmill.
Dati-rati, sa ilalim lamang ng araw pinapatuyo ni Tan ang mga kahoy ng gmelina at mahogany na kanyang pinoproseso. Nang makapagpatayo siya ng FTLD noong 2005, umiksi ang pagtutuyo ng tinistis na kahoy mula 35 hanggang 7 araw bawa’t bunton; lumago ang kanyang produksyon kada taon mula 36,000 hanggang 300,000 board feet; tumaas ang empleo mula 144 hanggang 988 man-months; at lumobo ang kanyang neto mula P600,000 hanggang 6 na milyong piso bawa’t taon.
Dala ng kanyang tagumpay, nakabili si Tan ng finger-jointing at wood molding machines sa kanyang planta. Tuloy, napakinabangan niya ang mga retasong kahoy na kalimitang tinatapon na lamang nila. Gamit ang tinistis na kahoy na pinatuyo sa FTLD, gumawa siya ng mga wood molding na pumatok nang husto sa mga mamimili, lalo na sa North at South Cotabato.
Sa ngayon, tatlo na ang malalaking lumber dryer sa planta ni Tan. Sa laki ng kanyang negosyo maraming mga nagtatanim ng puno sa Mindanao ang nabibigyan niya ng hanapbuhay.
Lubos-lubos ang pasasalamat ni Tan sa Department of Science and Technology o DOST na tumulong sa kanya upang maka-atikha ng una niyang lumber dryer. Dahil naman sa FPRDI, napakarami niyang natutunan ukol sa pagpoproseso ng kahoy. Napaganda rin ang kalidad ng kanyang mga produkto at tumaas ang kanyang produksyon.
Iba’t ibang tulong teknikal ang ibinabahagi ng FPRDI sa mga industriyang gumagamit ng kahoy. Para sa mga katanungan, tumawag lamang sa (049) 536-2377, 2586 o mag-email sa fprdi@dost.gov.ph. Ang FPRDI ay matatagpuan sa Narra Road, UPLB Forestry Campus, College, Laguna.
Source: RapiDOST April issue by Paula Bianca Z. Ferrer S&T Media Service, FPRDI