Magandang balita ang sasalubong sa mga lokal na mangangalakal lalo nasa sektor ng food processing dahil sa taong ito ay ilulunsad ng Department of Science and Technology (DOST) ang mga kagamitan sa food processing na gawang Pinoy sa pamamagitan ng programang High Impact Technology Solutions (HITS).
Layunin ng programang HITS na mapalakas ang mga lokal na Small and Medium Enterprise (SME) sa bansa na lumago at makipagsabayan sa mga global brand sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga lokal na kagamitan sa
food processing.
Sa nakaraang pagpupulong ay iprinisinta ng DOST ang pitong locally developed food processing equipment gaya ng: water retort – isang kagamitang panluto na mayroong kakayahang matagalan ang mataas na temperatura upang mapatay ang mga mikrobyo at mapahaba ang shelf-life ng mga produktong pagkain; freeze dryer – ay isang kagamitang naghihiwalay sa mga nilalamang tubig ng mga gulay at prutas habang pinapanatili
nito ang natural na kompusisyon ng mga ito; vacuum fryer – ay isang uri ng kagamitang pampirito na hindi nangangailangan ng mataas na temperatura; spray dryer – isang uri ng kagamitan na ginagawang pulbos ang
mga likido; vacuum packaging machine – ay mga kagamitan na ginagamit sa pagpakete ng mga produktong pagkain; immersion freezer – ay ang kagamitan na nagpapayelo sa mga produktong likido; at vacuum evaporator – na ginagamit upang palaputin ang mga likido.
Lima sa mga nabanggit na mga kagamitan ay sumailalim na sa functional at performance test habang ang dalawa ay kailangan pang sumailalim sa mga nasabing pagsusuri.
Ayon kay HITS project leader Nelia Florendo, maganda ang pagtanggap ng mga SME sa mga nasabing kagamitan. Dagdag pa nya na konting modipikasyon lamang ang kailangang isagawa sa mga prototype bago ito
tuluyang saisapubliko.
“This program has several objectives, first DOST wanted to substitute the imported with locally designed, developed and manufactured equipment,” pahayag ni DOST-ITDI Director Nuna Almanzor. “DOST would also want to increase
local technologies, help our SMEs including those in the metals industry, and ultimately lower the acquisition costs of these equipment.”
Ang Project Management Engineering Design Service Office ng DOST ay naatasang gumawa ng disenyo habang ang DOST-Metals Industry Research and Development Center naman ang magbubuo ng mga prototype.
Samantala, ang DOST-ITDI ang magsusuri ng performance ng mga kagamitan.
Ani Florendo, ang mga kagamitan ay maaaring gamitin sa mga itinakdang Food Innovation Center sa bawat rehiyon ng bansa. Pangunahing ilulunsad ito sa Cagayan State University ng Region 2, Bicol University ng Region 5, DOST Regional Office 6 sa Iloilo City para sa Region 6, Eastern Visayas State University ng Region 8, Mindanao University
of Science and Technology ng Region 10 at Philippine Women’s University ng Region 11.
Sa kabilang dako, ang pagkakaroon ng mga Food Innovation Center ay isa pa ring inisyatiba ng DOST upang mapalakas ang food manufacturing industry ng bansa.
Ayon sa datos, ang industriya ay nakapagtatala ng mahigit 40% ng kabuuang bilang ng mga lokal na produkto at 20% ng gross domestic product ng bansa kada taon.
Subalit, ang industriya ay nasasadlak sa maraming suliranin gaya ng mataas na presyo ng mga kagamitang kinakailangan upang makagawa ng mga bagong produkto para sa merkado at ang pagpapalakas ng presensya
nito sa lokal at internasyonal na merkado.
Source: RapiDoST January 2014, Joy M. Lazcano S&T Media Service, DOST-STII