Makabagong ‘instant food mix’ tulad ng kare-kare, sinigang, pochero at pinakbet ay ilan lamang sa mga paboritong pagkaing Pilipino ang malawakang ipinakikila ng Food and Nutrition Research Institute-Department of Science and Technology (FNRI-DOST).
Ang mga produktong ito ay ‘ready-to-eat’ kung kaya’t ang mahaba at nakakapagod na paghahanda ng mga paboritong lutuin ay maaring nang maiwasan. Lubhang maipagmamalaki natin ang tunay na produktong Pilipinong nabanggit, di lamang dito sa bansa kundi maging sa ibang panig ng mundo.
Ang ‘Instant Kare-Kare Mix’ ay de lata na may timbang na 800 gramo, kasya ang mula apat hanggang limang bulos. Di tulad ng mga instant mix na kasalukuyang nasa merkado na puro spices at pampalasa lamang, ang produktong ito ay magkakasamang, gulay, spices, at sarsa, maliban sa karne. Ang Instant Kare-kare Mix ay pinaghalo-halong gulay tulad ng puso ng saging, sitaw, talong, atsuete (pampakulay), spices, at ‘peanut sauce’.
Katulad ng “Instant Kare-kare Mix’, meron ding instant ang pochero. Isa sa kadalasang putahe lalo na kung meron muniting salo-salo ang pamilya. Ang ‘Instant Pochero Mix’ ay kumbinasyon ng mga ‘ready-to-eat’ na sangkap, tulad ng repolyo, garbanzos, kamote, saging na saba, baguio beans, at mga pampalasa na tinimpla sa tomato sauce. Ang ‘mix’ na ito ay maari nang ihalo agad sa luto nang baboy, baka o manok.
Samantala ang ‘Instant Sinigang Mix’ ay kumpleto na ang mga sangkap na gulay, pampaasim, at maging ang karne. Ang de latang ito ay tumatagal hanggang isang taon. Tulad ng produktong unang nabanggit, ito ay hindi na kinakailangan ang tradisyunal at komplikadong paraan ng paghahanda upang malasap ang tunay na sarap ng sinigang.
Isa pa sa mga pinadaling putahe ay ang pinakbet— iba’t ibang gulay tulad ng amplaya, talong na inaraw-araw, okra, kalabasa, sitaw at kamatis, na i-ginisa sa bagoong o alamang. Ang FNRI ‘Instant Pinakbet’ na ‘ready-to-eat’ ay pwede ring haluan ng karne o hipon.
Bukod pa sa napadali ang paghahanda ng mga putaheng nabanggit, ang mga ito ay nasa lata na o di kaya ay nakagarapon upang mapatagal ang kanilang ‘shelf life’ at mabigyan ng opurtunidad sa mas malawak na pamilihan.
Sa kasalukuyan, ang FNRI-DOST ay nagnanais na makipag-ugnayan sa pribadong sektor upang higit na mapabilis ang pagpapakilala ng mga produktong nabanggit.
Source:RapiDOST February 2010 issue Ni Arjay Escondo S&T Media Service, STII