FPRDI : tumutulong sa industriya ng water hyacinth
Water hyacinth – dati’y itinuturing na salot na halaman, ngayon nama’y paboritong materyales ng handicraft industry sa mga bayang nakapaligid sa Laguna de Bay. Ito ay dahil sa iba’t ibang grupong nagtulung-tulong na bumuo ng mga programang pangkabuhayan gamit ang tangkay ng water hyacinth.
Natatakpan ng water hyacinth (o mas kilala sa tawag na water lily) ang malaking bahagi ng Laguna de Bay. Napakakapal ng ugat nito kaya’t nagiging sanhi ng matitinding pagbaha, bumabara sa daraanan ng mga mangingisda at pumapatay sa mga isda. Matagal itong naging sakit ng ulo ng mga taong nakatira sa tabi ng lawa.Dahil sa pananaliksik, ginagamit na ngayon ang pinitpit at pinatuyong tangkay ng halamang ito sa paggawa ng magagandang bag, tsinelas, sumbrero, tray, lamp shade at lagayan ng bote ng alak. Isa ang Forest Products Research and Development Institute ng Department of Science and Technology (FPRDI-DOST) sa mga ahensyang tumutulong sa industriya ng water hyacinth.
Ayon kay Dr. Emelyne C. Cortiguerra, pinuno ng training unit ng FPRDI-DOST, maraming grupo ng handicraft makers ang nagpapaturo sa kanila ng tamang pagpapatuyo at paglalagay ng pestisidyo sa tangkay ng water hyacinth. Masyadong makatas ang tangkay kaya’t madali itong atakihin ng amag. Kapag inamag na, nangingitim at wala ng silbi ang mga produkto.
Karamihan sa mga dumadalo ng mga seminar ng FPRDI-DOST ay mga maybahay at mga out-of-school youth. Dahil dito, maraming negosyante ang nakasisigurong de-kalidad at matitibay ang kanilang mga produkto. Itinuturo rin ang paggamit ng iba’t ibang kulay sa kanilang raw material upang mas gumanda pa ang mga produkto. Hindi lamang dito sa Pilipinas ibinebenta ang mga naturang produkto. Iniluluwas na rin ang mga ito at nakikilala na sa ibang mga bansa lalo na sa Europa.
Para sa tulong teknikal na ibinabahagi ng FPRDI-DOST tungkol sa water hyacinth, makipag-ugnayan lamang sa (049) 536 2377/2586 o mag-email sa fprdi@dost.gov.ph.
Source:RapiDOST march issue by Rizalina K. Araral S&T Media Service, FPRDI