Pinarangalan ng Technology Application and Promotion Institute ng Kagawaran Agham at Teknolohiya(DOST) ang mga katangi-tanging imbensyon sa bansa kamakailan noong National Invention Contest and Exhibit.
Nagwagi ang grupo mula pa sa Polangui, Albay ng Outstanding Invention o Tuklas Award. Ang grupo ay binubuo nina Arnulfo Malinios, Eleanor Balute, Estrella Calpe, at Herminigildo Lizano para sa kanilang Crop Processing Machine. Pumangalawa ang Rex Compost Tea Brewer (A Novel compost tea brewer) ni James Fos Reamon at sinundan ng mga mananaliksik ng Industrial Technology Development Institute (ITDI) ng DOST para sa kanilang Manufacturing Process ng Hard Carrageenan Capsules. Ang mga nagwagi sa kategoryang ito ay nag-uwi ng premyong salapi na nagkakahalaga sa PhP150, 000, 100,000 at 50,000 ayon sa pagkakasunod.
Samantala, ang Method of Making Engine Oil Additive Mixed with Plant Oils ni Johnny Sy ang nanguna sa kategorya ng Outstanding Utility Model. Pumangalawa ang Production of Medical Bandage from Mushroom Mycelium ni Claro Santiago Jr. at pumangatlo ang Mechanical Process of Producing Starch and Flour from Arrowroot Tubers ng grupo nina Arnulfo Malinis, Christopher Pacardo at Salvador Albia.
Sa kategoryang Outstanding Creative Research o Likha Award, nag-uwi ng halagang PhP50,000 ang mga mananaliksik ng ITDI para sa kanilang Development of local Bioactive Polymer nanofibrous Scaffold by Electrospinning. Ang grupo nina Rubelyn Delfin, Milagros Nilo, at Flory Libunao ay naguwi ng ikalawang pwesto para sa Commercialization Potential of Suksuk for Handwoven Silk Fabric habang si Noro Camomot ay tumanggap ng ikatlong pwesto para sa Joyski ― ang motorsiklong Jetski.
Ang mga mag-aaral ng De La Salle University Taft na kinabibilangan nina Airi Bianca Beltran, Rachel Joyce Oaña, at Cathlyn Marie Montano para sa kanilang Greenstick Fracture Detection and Diagnosis Using Image Processing and Analysis ang nanguna sa kategoryang Outstanding Student Creative Research o Sibol Award para sa College level. Si Albert Bautista II ng University of Baguio ay pumangalawa na sinundan ng kapwa tagabaguio City na si Richelle Abuan ng St. Louis University para sa kanilang pagsaliksik sa Herbiplast Revolutionary Natural Ointment Bandage (Anti-Bacterial, coagulant, all natural) at Evaluation of Anti-Inflammatory Activity of the Liniment from the leaf Extract of Lagundi Fam. Verbenaceae ayon sa kanilang pagkakasunod.
Sa highschool level naman, ang Production of Biodegradable Plastics (BIOPLASTEM) from Shells of Brown Shrimps (Penaeus aztecus) through the Process of Polymerization ng Arturo Eustaquio Memorial Science Highschool ang nakakuha ng unang pwesto habang ang Bayugan National Comprehensive Highschool ay pumangalawa para sa kanilang Engineering a Novel Radiation Shield and Semiconductor from Green Mussel Shells. Ikatlo ang Immaculate Conception Academy Greenhills para sa kanilang Feasibility of Using Chicken Eggshells (Gallus domesticus) as Fillets and an Anti-Bacterial Component for Polypropylene Plastic. Ang mga nagwagi sa kategoryang ito ay nag-uwi ng PhP50,000, PhP25,000 at PhP15,000.
Ang Crop Processing Machine na nagwagi bilang Outstanding Invention o Tuklas Award ay kinilala ng World Intellectual Property Office (WIPO) at ginawaran ng WIPO Gold Medal.
Ang National Invention Contest and Exhibits 2009 ay taunang idinaraos ng DOST sa pamamagitan ng TAPI bilang pagkilala at pagtupad sa R.A. No. 7459 na nagbibigay ng suportang pampinansyal sa mga natatanging imbensyon sa bansa.
Source:RapiDOST January 2010 by Joy M. Lazcano S&T Media Service