CBB ng FPRDI mula kawayan at mais
Isang uri ng cement-bonded board o CBB na maaaring makatulong sa problema ng pabahay sa bansa ang kasalukuyang pinag-aaralan ng Forest Products Research and Development In¬stitute ng Department of Science and Technology (FPRDI-DOST) .
Ito ay yari sa kinayas na kawayan at tangkay ng mais na hinaluan ng semento.
Ang CBB ay karaniwang gawa sa agro-forest waste materials tulad ng kinadkad na bunot, ipa, dayami at busil ng mais. Ito’y ginagamit bilang dingding, panloob na partisyon ng bahay, kabinet at kisame.
Kilala sa buong mundo ang CBB dahil bukod sa matibay ito laban sa anay at amag, hindi rin ito madaling masira ng apoy at tubig. Wala din itong kimikal tulad ng formaldehyde na karaniwang ginagamit na pandikit sa plywood kaya’t hindi ito nakasasama sa kalusugan ng tao at sa kapaligiran.
Kamakailan lamang ang FPRDI ay nakagawa ng CBB mula sa kawayan at tangkay ng mais. Ayon kay Dr. Dwight A. Eusebio, pinuno ng FPRDI Composite Products Section, katanggap-tanggap ang mga katangian ng bago nilang produkto. Pumasa ito sa pagsusuri ng static bending, nail head pull-through,at thickness swelling maging ang water absorption properties nito.
Tumutukoy ang static bending sa bigat na kayang dalhin ng CBB nang hindi ito masisira. Samantala, tinitingnan naman sa nail head pull-through test ang tibay ng isang CBB kapag hinugot ang isang pako mula dito. Mahalagang tingnan ang water absorption property kung gagamitin ang CBB na partisyon sa loob at la¬bas ng bahay. Sa thickness swelling test naman makikita kung mamamaga ang mga CBB kapag nababad sa tubig.
Dalawang uri ng kawayan na makikita sa buong Pilipinas ang ginamit nina Eusebio – ang bayog at kawayan tinik. Ang mga tangkay ng mais naman na karaniwang wala nang pakina¬bang sa mga magsasaka ay inihalo sa kinayas na kawayan.
Upang masubukan ang ginawa nilang CBB, bumuo sina Eusebio at isang building product manufacturer ng 24 na pirasong panel na may sukat na 2 X 8 piye para ikabit sa isang bahay sa Tandang Sora, Quezon City.
Para sa dagdag na impormasyon tungkol sa CBB, tumawag lamang sa (049) 536-2377, (049) 536-2586 o mag-email sa fprdi@dost. gov.ph. Ang FPRDI ay isang ahensiya sa ilalim ng Department of Science and Technology. Ito ay matatagpuan sa Narra Road, UPLB Forestry Campus, College Laguna.
Source: RapiDOST June 2010 by Paula Bianca Z. Ferrer S&T Media Service, FPRDI