Mas mapadadali at kawili-wili ang pananaliksik ng mga mag-aaral ng Malanday National High School
(MNHS) sa Marikina City dahil sa Science & Technology Academic and Research-Based Openly Operated Kiosk Station o STARBOOKS Digital Library.
Tinawag na “Library in a Box”, ang STARBOOKS ay mas madaling pagkunan ng impormasyon ukol sa Agham at Teknolohiya kahit na walang koneksyon ng internet.
Ang STARBOOKS ay konsepto ng mga eksperto mula sa Science and Technology Information Institute (DOST-STII) na naglalaman ng mga libu-libong information material gaya ng mga audio-video na nagtatampok ng mga paksa sa food and nutrition, health and medicine, emerging technology, enerhiya, kapaligiran, teknolohiyang pangkabuhayan, at mga investigatory project at theses sa iba’t ibang larangan.
Pinangunahan ni Department of Science and Technology-National Capitol Region Director Teresita Fortuna ang paglagda sa memorandum of understanding kasama sina Gng. Salvacion M. Fernando, kinatawan ng
MNHS at Marcelino “Mary” Teodoro, ng 1st District ng Marikina City at instrumental sa pagkakaroon ng STARBOOKS sa MNHS. Samantala, hinikayat ni Dir. Fortuna ang mga mag-aaral na gamitin ang STARBOOKS para sa kanilang pananaliksik. Paalala pa niya na imomonitor ng Kagawaran ang kiosk kung ito ay tunay na nagagamit ng mga mag-aaral.
“Napaka-swerte namin dahil kami aynakatanggap nitong STARBOOKS. Magagamit po talaga ng mga bata,” wika ni Gng. Lagrimas M. Fernando, Punong-guro ng MNHS. Dagdag pa niya na umaasa sila na madadagdagan
pa ang kiosk sa panghinaharap upang mas maraming mag-aaral ang makagamit nito. Sa kabilang dako naman ay inihayag ni Victor P. Rebosada, isang guro at librarian ng nasabing paaralan na “ang (STARBOOKS) ay talagang malaki ang maitutulong nito sa pagbibigay kaalaman sa aming mga mag-aaral. Inaasahan naming na sa pamamagitan nito, kami ay makakapag focus sa mga science subjects.”
Ang mga lokal na pamahalaan, Non- Government Organization, akademiya at mga pribadong korporasyon ay maaaring mag-sponsor ng isang STARBOOKS sa kanilang kinasasakupang komunidad. Para sa karagdagang impormasyon, maglog on sa www.stii.dost.gov.ph o mag email sa starbooks@stii.dost.gov.ph.
Source:RapiDOST April 2014 issue , Graciela R. Sales S&T Media Service, DOST-STII