Ladrilyo: Matibay na halimbawa mula DOST TECHNICOM

Mula sa mga putik na naipon sa tabing-ilog o sa mga kanal ng mga patubigan ay makagagawa tayo ng produktong kapaki-pakinabang – ang ladrilyo o “bricks”!

Sa mahigit na tatlong dekada, si G. Emmanuel Alkuino ng SIDLAKPINOY (ang “sidlak” mula sa salitang Bisaya na ang ibig sabihin ay sumikat – “Sikat, Pinoy”) ay patuloy na tumutuklas ng mga makabagong paraan upang maitaas ang antas ng kalidad sa paggawa ng mga ladrilyo.

Ang produktong ladrilyo ni G. Alkuino na tinawag niyang “SIDLAKAN Reinforced Fire Bricks” ay pinaghalong putik at abo ng sinunog na mga ipa. Ang mga nakaimbak na putik ay madaling matagpuan─ sa mga tabihan o gilid ng mga anyong tubig tulad ng ilog o mga kanal ng patubigan. Ang mga ipa naman ay ginagamit bilang panggatong sa pagluluto ng ladrilyo. Kalaunan, natuklasan na ang abong naiwan ng ipa ay mabisang panghalo sa putik. Nagsisilbi itong “silica” na nagpapakapit sa ladrilyong putik upang ito ay maging matibay.

Ang SIDLAKAN Reinforced Fire Bricks ay isa sa mga teknolohiyang ipinakilala sa ginanap na Investment Forum ng Philippine Council for Industry and Energy Research and Development (PCIERD) ng Department of Science and Technology (DOST) sa ilalim ng programang Technology Innovation for Commercial (TECHNICOM).

Ang TECHNICOM ng DOST ay naglalayong magkaloob ng pondo upang mapabilis ang paglilipat at pagkakalakal ng ng mga nabuong pananaliksik ng mga kasaping samahan ng National Research and Development Network (NRDN). Samantalang ang Investment Forum ay nagpapakilala ng mga magagamit na teknolohiya sa mga produkto at proseso ng pagkain, pang-konstruksyon, mga kasangkapan at mga pagpopoproseso. Ang mga ito ay handa nang ipagamit sa mga interesadong pribadong kompanya.

Ayon kay G. Alkuino, pangulo ng SIDLAKPINOY, Inc. na gumagawa din ng mga pangmatagalang kagamitang pangsaka, ang kumpanya ay nakagagawa ng hanggang 15,000 ladrilyo kada araw. Ang mga ladrilyong ito ay limang beses na mas matigas kumpara sa mga hollow blocks at maaaring makatipid ng kalahati sa gastos pangkonstruksyon.
Bukod dito, ang teknolohiya ay matagumpay na sumailalim sa mga pagsubok laban sa init, hangin, ulan at iba pang elemento. Ang mga bahay na gawa dito ay mas malamig at mas makabago kumpara sa mga bahay na gawa sa mga ordinaryong materyales.

Ang SIDLAKAN bricks na tumanggap ng technical assistance mula sa DOST noong 1998 ay maaari ring gawin ayon sa kagustuhang disenyo ng kanilang mga kliyente.

Ang kumpanya ay nakapagpatayo na ng mga bahay na gawa sa ladrilyo na iba’t ibang sukat at laki sa Mindanao, kabilang na ang mga proyektong pabahay ng Gawad-Kalinga sa Natidasan, Malaybalay City, Bukidnon. Pangarap ni G. Alkuino na sa malapit na hinaharap, maraming mga mura ngunit de-kalidad na mga pabahay ang maitayo sa labas ng Bukidnon.
Source:RapiDOST February 2010 issue Ni Henry De Leon S&T Media Service, STII

Leave a Reply

Your email address will not be published.