Produktong muwebles sumigla sa tulong ng FPRDI

 

Sa kabila ng paghina ng ekonomiya, mapalad pa rin si Roberto S. Pajermo ng Larena, Siquijor. Nakakagawa siya ng mga novelty items gamit ang mga retasong kahoy sa kanyang maliit na pagawaan ng muwebles.

 

Sa tulong ng Forest Products Research and Development Institute o FPRDI, natutong gumawa si Pajermo ng magagarang wine rack, knife holder at picture frame mula sa mga reta-retasong kahoy na karaniwang ipinanggagatong na lamang niya. Dahil dito, kumikita siya ngayon ng karagdagang 15,000-20,000 piso bawat buwan.

Mabili ang mga produkto ni Pajermo sa mga turistang dumadayo sa mga beach sa kanilang lugar. Mas mura rin ang mga ito kesa sa isang set ng muwebles na nagkakahalagang 20,000-30,000 piso at ibinebenta ng per order basis.

Malaki ang ipinagbago ng negosyo ni Pajermo simula nang matulungan siya ng FPRDI noong 2004. Sabi niya, sa hina ng kanyang negosyo noon, nagdesisyon na siyang magsara. Mabuti na lamang at nabalitaan niya ang mga pagsasanay ng FPRDI ukol sa tamang paghahanda, pagpapatuyo, paglalagari at pagbabarnis ng mga kahoy na materyales.

 

Unti-unting nang nakikilala ang mga produkto ni Pajermo sa iba pang lalawigan ng Visayas. Kamakailan, halos lahat ng kanyang produkto ay naibenta sa mga sinalihang trade fair sa Cebu, Tagbilaran, Dumaguete at Boracay.

 

Bukod sa kumikita, nakakapagbigay hanapbuhay din siya sa mga out-of-school youth at mga kababaihan sa Siquijor.

 

Para sa karagdagang impormasyon sa tulong teknikal na ibinibigay ng FPRDI, tumawag sa (049) 536-2586/2377 o mag-email sa fprdi@dost.gov.ph. Ang FPRDI ay isang ahensiya sa ilalim ng Department of Science and Technology at matatagpuan sa Narra Road, UPLB Forestry Campus, College Laguna.

Source: RapiDOST April issue by Paula Bianca Z. Ferrer S&T Media Service, FPRDI

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.